Shakey’s V-League reinforced conference Lady Maroons magpapakatatag sa liderato kontra Lady Dolphins
STANDINGS W L
UP 1 0
PLDT 1 0
Army 1 0
Navy 1 1
Kia Forte 0 1
Coast Guard 0 2
Laro Ngayon
(The Arena, San Juan City)
12:45 p.m. UP
vs Coast Guard
MANILA, Philippines – Ikalawang sunod na panalo ang balak kunin ng UP Lady Maroons sa Coast Guard Lady Dolphins sa Shakey’s V-League Season 12 Reinforced Conference ngayon sa The Arena sa San Juan City.
Natatanging laro ito ng ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s at handog ng PLDT Home Ultera sa ganap na alas-12:45 ng hapon at iiwanan nila ang mga kasalo sa liderato na PLDT Home Ultera Fast Lady Hitters at Army Lady Troopers kung sila ay manalo.
Papasok ang UP mula sa 19-25, 25-23, 25-23, 25-23 panalo sa Navy Lady Sailors na nangyari noon pang Oktubre 10.
Ang halos dalawang linggong pahinga ay tiyak na ginamit ng Lady Maroons para palakasin pa ang laro upang gumanda ang tsansang pumasok sa semifinals.
Naglalaro na uli sa UP ang magaling na si Nicole Tiamzon para makatuwang ng mga bata pero mahuhusay na sina Isabel Molde at Marian Buitre.
Ang tatlong ito ay tumapos taglay ang 17, 14 at 10 puntos sa unang panalo.
Ang nagbabalik mula sa ACL injury na si Kathy Bersola ay mayroong 8 puntos para ipakita na nagbalik na ang kanyang husay sa court.
Sa kabilang banda, asahan na magiging masigasig ang Coast Guard para tapusin ang dalawang dikit na kabiguan.
Si Rossan Fajardo na naghahatid ng 19 puntos sa dalawang laro ang kamador ng Coast Guard ngunit kailangan niya ng suporta para hindi mabaon sa huling puwesto.
- Latest