Sa UAAP beach volleyball: La Salle, Ateneo umukit ng kasaysayan
MANILA, Philippines - Gumawa ng marka ang La Salle Lady Archers at Ateneo Eagles sa 78th UAAP beach volley nang napagtagumpayan nila na mapanalunan ang kanilang kauna-unahang titulo na pinaglabanan kahapon sa Sands at the Bay sa Mall of Asia sa Pasay City.
Hindi ininda nina Kim Fajardo at Cyd Demecillo ang hirap sa tatlong laro na kanilang hinarap para mailinya ang La Salle sa mga koponang nagkampeon sa women’s division.
Unang humarap ang Lady Archers sa sudden-death laban kina Alyssa Valdez at Bea Tan ng Ateneo at bumangon sila mula sa pagkatalo sa first set tungo sa 20-22, 21-14, 16-14 panalo.
Kaharap ng La Salle ang FEU Lady Tams na binuo nina Bernadeth Pons at Kyla Atienza at hindi nawala ang magandang laro nina Fajardo at Demecillo para walisin ang best-of-three series, 21-17, 16-21, 15-12 at 21-16, 25-23.
Ang pagkapanalo ng titulo ang kumumpleto sa pagbangon ng Lady Archers mula sa 0-2 panimula.
Si Fajardo ang kinilalang MVP ng torneo.
Hindi rin sinayang nina Marck Espejo at Ysay Marasigan ang magandang ipinakita sa elimination round nang tinalo ang UST Tigers nina Kris Roy Guzman at Anthony Arbasto, 21-16, 21-19, sa Game Four ng men’s Finals.
Winalis ng Ateneo ang pitong laro sa elimination round ay may thrice-to-beat advantage sa Finals.
Si Marasigan ang siya namang kinilala bilang MVP sa kanilang dibisyon.
- Latest