Eagles pinigil ang tigers
Laro sa Sabado
(Smart Araneta Coliseum)
2 p.m. La Salle vs Adamson
4 p.m. FEU vs UE
MANILA, Philippines - Nagkaroon ng magandang pagtutulungan ang mga manlalaro ng Ateneo Eagles para paamuin ang UST Tigers, 80-74 sa 78th UAAP men’s basketball kagabi sa Smart Araneta Coliseum.
Napantayan ni Arvin Tolentino ang kanyang career-high na 20 puntos at 13 rito, kasama ang tatlong triples sa laro, ay ginawa niya sa huling yugto upang mapangatawanan ng Eagles ang maagang paglayo na kung saan iniwanan nila ng hanggang 17, 49-32 ang Tigers sa ikatlong yugto.
Ang mga kamador na sina Von Pessumal at Kiefer Ravena ay may 16 at 11 puntos, at sila ay naghati sa 16 puntos sa first half para bigyan agad ang Eagles ng 41-28 kalamangan.
Ikalawang sunod na panalo ito ng Ateneo para sa 6-4 karta at inialay nila ang ipinakitang laro kay John Apacible na suspindido ng limang games matapos magwala dahil sa kalasingan.
“We want to support him and this game is for him,” ani coach Bo Perasol.
Sina Ed Daquioag, Kevin Ferrer at Karim Abdul ay may 19,13 at 12 puntos ngunit nagsanib lamang sila sa 10-of-38 shooting upang maunsiyami ang UST sa target na upuan sa semis tungo sa 8-2 karta.
Kinailangan ng nagdedepensang kampeon National University Bulldogs ang limang minutong extra time para talunin ang palabang Adamson Falcons, 85-79 sa unang laro.
Walo sa kanyang career-high 22 puntos ang ginawa ni Rodolfo “Jay” Alejandro sa overtime para balian na ng pakpak ang Falcons at maputol din ng Bulldogs ang tatlong dikit na kabiguan sa 4-6 baraha.
Dalawang sunod na 3-point play ni Alejandro na nasundan ng 3-pointer ni Kyle Neypes ang nagbukas sa NU ng 83-76 upang tapusin na ang kampanya ng Falcons sa ikasiyam na pagkatalo matapos ang 10 laro. (ATan)
- Latest