Lady Bullpups napanatili ang korona sa UAAP high school volleyball
MANILA, Philippines – Naghatid ng mga mahahalagang puntos si Faith Nisperos sa deciding fifth set para ibigay sa National University Lady Bullpups ang ikalawang titulo sa 78th UAAP girls volleyball sa pamamagitan ng 25-23, 14-25, 23-25, 26-24, 15-8 panalo sa UST Junior Tigresses noong Sabado sa Adamson gym.
Magkasunod na aces ang ginawa ni Nisperos para ibigay sa koponan ang 7-4 kalamangan na kanilang naprotektahan para makumpleto rin ang 2-0 sweep sa best-of-three championship series.
Kampeon ang NU noong nakaraang taon at tinalo rin nila ang UST at si Nisperos ang siyang ginawaran ng MVP award. Hindi naulit ang pagpaparangal kay Nisperos dahil ang MVP ay ibinigay kay UST player Eya Laure. Ang kakampi ni Laure na si Det Pepito ang lumabas bilang Best Receiver ng torneo.
Ang ibang awards tulad ng Rookie of The Year, Best Blocker at Best Setter ay napunta kina Thea Gagate, Sheena Toring at Joyme Cagande ng NU.
Ang finals sa kalalakihan ay maghihintay pa ng isang linggo dahil kanselado ang Game One sa hanay ng nagdedepensang kampeon UE Junior Warriors at NU Bullpups kahapon dahil sa bagyong Lando.
- Latest