San Miguel Beer paborito sa titulo
MANILA, Philippines – Bago pa man ang pagbubukas ng 41st season ng Philippine Basketball Association ay hinuhulaan nang muling magkakampeon ang San Miguel Beermen.
Kaya naman nakakaramdam na ng ‘pressure’ ang Beermen, ayon kay PBA chairman Robert Non, ang governor ng San Miguel.
“I admit ‘yung pressure nasa amin because we have won two championships last season. Excited naman ‘yung team sa ipinapakita nila sa mga practice namin,” wika ni Non kahapon sa press conference sa Diamond Hotel.
Tinulungan ni coach Leo Austria ang Beermen sa kampeonato ng nakaraang PBA Philippine Cup at Governor’s Cup.
Kumpiyansa si Non na makakapaglaro kaagad ang mga may injury na sina back-to-back PBA Most Valuable Player June Mar Fajardo at Marcio Lassiter.
“Hopefully, makakuha na si June Mar ng full practice. Overweight siya ng 10 pounds, pero madali namang mawala ‘yon,” sabi ni Non sa 6-foot-10 na si Fajardo na nagkaroon ng foot injury matapos ang PBA Governor’s Cup.
Ipaparada rin ng San Miguel ang mga bagong hugot na sina Ryan Araña at Brian Huruela na nanggaling sa Rain or Shine at Blackwater, ayon sa pagkakasunod.
Unang makakatapat ng Beermen ang Globalport Batang Pier, nakuha si Rico Maierhofer mula sa Barako Bull kapalit ni Jervy Cruz, sa Oktubre 24 sa Davao City.
Bukod naman sa San Miguel, dapat ding abangan ang Talk ‘N Text dahil kina top overall picks 6-foot-8 Fil-Tongan Moala Tautuaa at 6’6 Jeth Troy Rosario.
“It’s still San Miguel and Talk ‘N Text because of San Miguel’s two championships last season and the two top draft picks of Talk ‘N Text,” wika ni Alfrancis Chua, ang governor ng Barangay Ginebra.
Ang 6-’8 na si Tautuaa at ang 6’6 na si Rosario, miyembro ng training pool ng Gilas Pilipinas, ang No. 1 at No. 2 overall picks ng Tropang Texters sa nakaraang PBA Rookie Draft.
Sa pagbubukas ng PBA Philippine Cup sa Linggo ay magtatapat ang Star Hotshots at ang Rain or Shine Elasto Painters sa alas-5:15 ng hapon matapos ang opening ceremonies sa alas-3 sa Smart Araneta Coliseum.
- Latest