Tamarawss, Tigers ‘di bumitaw sa liderato
Laro sa Miyerkules (Smart Araneta Coliseum)
2 p.m. La Salle vs UE
4 p.m. FEU vs UP
MANILA, Philippines – Mula sa 1-1 panimula ay dumiretso ang Far Eastern University sa kanilang pang-anim na sunod na panalo, habang patuloy naman sa kanilang ratsada ang University of Sto. Tomas.
Nagtuwang sina Mac Belo, Achie Iñigo at Alfrancis Tamsi sa fourth quarter para pangunahan ang Tamaraws sa 66-61 paggiba sa Ateneo Blue Eagles sa 78th UAAP men’s basketball tournament kagabi sa Smart Araneta Coliseum.
Sa ikalawang laro, bumangon ang Tigers mula sa 11-point deficit sa third period para balikan ang La Salle Green Archers, 81-79, at ilista ang kanilang pang-pitong panalo.
Muling nagsosyo sa liderato ang FEU at ang UST sa magkapareho nilang 7-1 record kasunod ang La Salle (4-4), Ateneo (4-4), University of the East (3-5), nagdedepensang National University (3-5), University of the Philippines (3-5) at Adamson (1-7).
Mula sa 47-47 pagkakatabla ay kumawala ang FEU sa final canto sa pamamagitan ng three-point shot ni Tamsi, jumper ni Iñigo at dalawang free throws ni Belo para iwanan ang Ateneo sa 54-47.
Tumapos si Belo na may 12 points para sa panalo ng Tamaraws bukod pa sa paglimita kay Blue Eagles’ star Kiefer Ravena sa fourth period.
“There is a lot to improve on I think especially on the defensive end. Hindi namin na-achieve ‘yung goal namin today,” sabi ni FEU coach Nash Racela, nakahugot din ng tig-10 markers kina Russel Escoto at Roger Pogoy.
Naglista si Ravena ng 15 points mula sa malamya niyang 5-of-15 fieldgoal shooting para sa Blue Eagles ni coach Bo Perasol na nasa kanyang huling taon para sa Ateneo.
Kinuha naman ng Green Archers ang 48-37 bentahe sa 9:43 minuto ng third period mula sa tres ni Thomas Torres bago naagaw ng Tigers ang unahan sa 69-68 sa 7:50 minuto ng fourth quarter.
Ganap na sinelyuhan ni Kevin Ferrer ang panalo ng Tigers kontra sa Green Archers nang ikonekta ang dalawang free throws sa nalalabing tatlong segundo.
FEU 66 - Belo 12, Ru. Escoto 10, Pogoy 10, Tolomia 8, Inigo 7, Tamsi 6, Dennison 4, Arong 3, Jose 2, Orizu 2, Trinidad 2, Ri. Escoto 0, K. Holmqvist 0.
Ateneo 61- Ravena 15, Wong 14, Pessumal 8, Gotladera 7, Black 6, Ikeh 6, Babilonia 3, A. Tolentino 2, Apacible 0, Cani 0, Capacio 0, Ma. Nieto 0, V. Tolentino 0.
Quarterscores: 19-19; 30-32; 47-47; 66-61.
- Latest