Warriors giniba ang Raptors sa preseason game
SAN JOSE, Calif. - Umiskor si Leandro Barbosa ng 15 points, habang may 14 si Klay Thompson para tulungan ang NBA champion na Golden State Warriors sa 95-87 panalo laban sa Toronto Raptors sa isang preseason game.
Bumandera naman si DeMarre Carroll para sa Raptors sa kanyang 15 markers kasunod ang 12 ni DeMar DeRozan.
Nakuha ni NBA MVP Stephen Curry ang kanyang ikaanim at huling foul sa 6:25 minuto sa third quarter.
Tumapos siya na may 14 points mula sa 5-of-7 fieldgoal shooting kasama ang 3-of-5 clip sa three-point line.
Susunod na lalabanan ng Warriors ay ang Trail Blazers sa Portland sa Huwebes, habang makakatapat ng Raptors ang Los Angeles Lakers sa Ontario, California.
Sa Portland, Oregon, kumamada si Marco Belinelli ng 32 points, tampok dito ang apat na 3-pointers, para pangunahan ang Sacramento Kings sa 109-105 overtime win kontra sa Trail Blazers.
Tumapos naman si DeMarcus Cousins na may 22 points para sa Kings, nabigong makaabante sa playoffs matapos magtala ng 29-53 record sa nakaraang season.
Naglista si guard Damian Lillard ng 17 points sa panig ng Blazers.
Matapos magposte ng 21-point lead sa first half, ay kinuha ng Blazers ang 56-41 sa halftime.
Sa huling 4:52 minuto ay tumipa si Belinelli ng isang 25-foot 3-pointer para itabla ang Kings sa 89-89 bago nauwi sa overtime ang laro sa iskor na 97-97.
Binuksan ni Tim Frazier ang extra period sa kanyang four-point play para ibigay sa Blazers ang 102-97 abante.
Ang huling tres ni Belinelli ang nag-angat sa Kings sa 104-102 sa ilalim ng huling dalawang minuto ng laro.
- Latest