Bulldogs sasagupa sa Tamaraws para sa rematch ng UAAP Finals
MANILA, Philippines – Hangad ng Far Eastern University at ng University of Sto. Tomas na manatili sa itaas ng team standings, habang target ng National University ang kanilang ikaapat na sunod na ratsada.
Lalabanan ng Tamaraws ang nagdedepensang Bulldogs sa kanilang Finals rematch ngayong alas-4 ng hapon matapos ang bakbakan ng Tigers at ng University of the East Red Warriors sa alas-2 sa 78th UAAP men’s basketball tournament sa Smart Araneta Coliseum.
Kasalukuyang magkasosyo sa liderato ang FEU at UST sa magkatulad nilang 5-1 record kasunod ang La Salle (4-3), Ateneo (4-3), NU (3-3), University of the Philippines (2-5), UE (2-5) at Adamson (1-6).
Umiskor ang Tamaraws ng 64-60 panalo laban sa Falcons noong Setyembre 27 na tinampukan ng krusyal na three-pointer ni Mike Tolomia sa huling 41.8 segundo ng laro.
“Inconsistent pa rin kami,” reklamo ni FEU coach Nash Racela.
Matapos naman ang 0-3 panimula ay tatlong sunod na panalo ang kinuha ng Bulldogs, ang huli ay laban sa Fighting Maroons, 68-52, noong Setyembre 27.
Nanggaling naman ang Tigers sa 77-61 paggiba sa Green Archers noong Setyembre 30 kung saan sila nagpaulan ng pitong three-point shots sa third period.
Nagbida sa 29-13 produksyon ng UST sa naturang yugto sina Louie Vigil at Kyle Suarez, habang humugot naman si Kevin Ferrer ng 12 sa kanyang 17 points sa final canto.
Humakot si Karim Abdul ng 13 points, 13 rebounds at 3 steals at nag-ambag si Ed Daquiaog ng 11 markers para sa España-based cagers.
“Maraming nag-stepped up. Total team effort talaga,” ani coach Bong Dela Cruz.
- Latest