Pablo handa nang pangunahan ang Lady Bulldogs sa UAAP
MANILA, Philippines - Handa nang pangunahan ni Myla Pablo ang National University Lady Bulldogs para sa inaasam na tagumpay sa women’s volleyball sa 78th UAAP season.
Nasa huling taon na ng paglalaro ang 22-anyos mag-aaral sa kursong marketing at aminado si Pablo na ito na ang taon na dapat tumahol ang Lady Bulldogs.
“Last playing year ko na kaya kailangang i-push ko ang sarili ko para sana makapag-champion ang team,” wika ni Pablo.
Naging kasapi ng National team, mataas ang morale na haharapin ni Pablo ang bagong UAAP season matapos kilalanin bilang Most Valuable Player sa Shakey’s V-League Collegiate Conference na pinagharian ng NU laban sa mas pinaborang Ateneo Lady Eagles.
Ito ang ikalawang titulo ni Pablo sa V-League para sa NU dahil kabilang din siya sa Lady Bulldogs team na tinalo rin ang Ateneo dalawang taon na ang nakalipas.
“Sobrang saya ko dahil nakuha uli namin ang title. Malakas ang Ateneo at alam namin na babalik sila matapos ang straight sets panalo sa Game Two pero nagpakita kami ng determination at teamwork,” paliwanag pa ni Pablo.
Tumapos siya ng 15 puntos at may pitong digs pa para ihatid ang NU sa 25-21, 26-24, 25-19 straight sets tagumpay sa deciding Game Three noong Linggo.
Dahil sa lideratong ipinakita, si Pablo ang balak na gawin bilang team captain ng koponan sa UAAP bagay na tanggap ng spiker.
“Sinabi na sa akin at ok naman sa akin dahil senior player ako at ready naman ako. Kailangan lang na tibayan ko ang loob ko,” dagdag nito.
Kahit si coach Roger Gorayeb ay naniniwalang lalaban nang husto ang NU sa UAAP dahil sa nakuhang karanasan ng mga manlalaro, kasama na rito ang bagitong setter na si Rica Diolan.
“Sa mga unang mga laro ay hinayaan ko sila at mag-struggel sila para matuto. Pero sa semis ipinasok ko si Rubie (De Leon) dahil kailangan ng maturity sa setter ng team. Pero kahit hindi si Rica nakalaro, sinabihan ko siya na pag-aralan ang ginagawa ni Rubie lalo na sa decision making na mahalaga sa isang setter,” wika ni Gorayeb.
Sa susunod na taon pa magsisimula ang volleyball at mahaba-haba pa ang panahon para mapaghandaan ng NU ang inaasahang makinang na kampanya sa liga.
“Back to basics muna kami. Malinaw din sa lahat na hindi na namin makakasama sina Rubie at Dindin (Manabat) sa UAAP. Pero marami naman ang nag-improve at kung mapapayagan din si Rizza Sato sa eligibility niya mas maganda sa amin. Pangarap ko rin na mag-champion sa UAAP at purpose ko ito sa NU,” ani pa ng beteranong mentor.
- Latest