Arum walang interes kay Postol para kay Pacquiao
MANILA, Philippines - Tinalo niya si Lucas Matthysse ng Argentina via tenth-round knockout para angkinin ang World Boxing Council light welterweight crown sa StubHub Center sa Carson City, Californianoong Linggo.
Ngunit hindi ibig sabihin nito ay kaagad makakasagupa ni Viktor Postol ng Ukraine si Filipino world eight-division champion Manny Pacquiao sa susunod na taon.
Kumbinsido si Bob Arum ng Top Rank Promotions na maraming pahihirapan si Postol (28-0-0, 12 KOs) sa 140-147 pound division, ngunit hindi niya sinabing gusto niyang itapat ang Ukranian fighter kay Pacquiao (57-6-2, 38 KOs).
“Postol will be a force in the 140 and 147 divisions. He is difficult to fight against,” sabi ni Arum sa 31-anyos na si Postol na ginagabayan ni Hall of Fame trainer Freddie Roach.
Bagama’t hindi tuwirang inihayag ang kagustuhang makatapat ang 36-anyos na si Pacquiao, sinabi naman ni Postol na handa niyang labanan kahit sino.
“I’m ready to fight anybody. But it’s not up to me. I have a team and I have promoters. And it’s up to my team and what they decide,” sabi ni Postol.
Dinala ni Roach si Postol sa training camp ni Pacquiao sa General Santos City bilang isa sa mga sparring partners ni ‘Pacman’ para sa paghahanda sa laban kay Chris Algieri noong nakaraang taon.
Kasalukuyan nang kinakausap ni Arum ang kampo ni British star Amir Khan (31-3-0, 19 KOs) para sa posibleng pagtatakda ng laban nila ni Pacquiao sa susunod na taon.
Ang iba pang nasa listahan ay sina Kell Brook (35-0-0, 24 KOs) at Terence Crawford (25-0-0, 17 KOs).
- Latest