Red Lions sasagpangin ang ‘twice-to-beat’ incentive
Laro Ngayon (The Arena, San Juan City)
10 a.m. – Lyceum vs St. Benilde (jrs)
12 n.n. – San Beda vs Arellano (jrs)
2 p.m. – Lyceum vs St. Benilde (srs)
4 p.m. – San Beda vs Arellano (srs)
MANILA, Philippines – Ipupuwesto ng five-time defending champions na San Beda Red Lions ang sarili sa unang dalawang puwesto at ang mahalagang ‘twice-to-beat’ advantage sa pagpanalo sa laro laban sa Arellano Chiefs sa 91st NCAA men’s basketball ngayon sa The Arena sa San Juan City.
Ang tampok na laro ay nakatakda sa alas-4 ng hapon at sapat na ang makukuhang ika-13 panalo para maibulsa ang mahalagang bentahe sa Final Four.
Sakaling matalo ang Red Lions sa Chiefs ay may isa pa silang tsansa na malagay sa unang dalawang puwesto matapos ang double-round elimination pero mas magiging mahirap ito dahil ang kanilang huling asignatura ay laban sa Letran Knights.
Ang Chiefs ay may 10-6 baraha at katabla ang host Mapua Cardinals sa ika-limang puwesto at mahalaga sa kanilang makuha ang panalo dahil makakatabla sila sa ikatlo hanggang ika-limang puwesto kasama ang Perpetual Help Altas at Jose Rizal Heavy Bombers.
Natalo ang Chiefs sa kanilang huling laro laban sa Knights, 81-87, pero may paghuhugutan ng lakas ang tropa dahil tinalo nila ang Red Lions sa kanilang unang pagtutuos, 88-84, noong Agosto 18.
- Latest