Biado-Kiamco tandem naka-buwenamano agad
MANILA, Philippines - Hindi nasayang ang suportang ipinakita ng mga Filipino na nasa London nang pataubin nina Carlo Biado at Warren Kiamco sina Ruslan Chinakhov at Konstantin Stepanov ng Russia, 7-4 sa pagsisimula ng kampanya sa 2015 World Cup of Pool sa York Hall sa London.
Ito ang unang pagkakataon na sina Biado at Kiamco ay isinali sa torneong sinasalihan ng 32 koponan at sinandalan ng dalawa ang 2-0 panimula para sa mahalagang kumpiyansa tungo sa pag-abante sa Last 32.
“The crowds add some more pressure but we like that and it is great to see their support,” wika ni Kiamco.
Ang Pilipinas ay isa sa tinitingalang koponan sa World Cup of Pool dahil may tatlong titulo na ang napanalunan ng mga naunang bilyarista na ipinadala.
Sina Efren “Bata” Reyes at Francisco “Django” Bustamante ay nagdomina noong 2006 at 2009 habang sina Dennis Orcollo at Lee Van Corteza ang nakakuha ng ikatlong titulo noong 2013.
Itinanghal bilang second seed, sunod na kasarguhan nina Biado at Kiamco ang mananalo sa pagitan ng ikalawang koponan ng host England na sina Mark Gray at Daryl Peach at Marcus Chamat at Christian Sparrenloev-Fisher ng Sweden.
Hindi puwedeng magkumpiyansa ang sinumang koponan sa torneo dahil lahat ay palaban para makuha ang $30,000.00 gantimpala mula sa $250,000.00 kabuuang premyo.
Isa pa sa nagpasikat ang tambalan nina Waleed Majid at Bashar Hussain ng Qatar na pinagpahinga sina sixth seed Shane Van Boening at Mike Dechaine, 7-5.
Magarang pagbubukas sa title defense ang ginawa nina Darren Appleton at Karl Boyes ng England 1 nang pagpahingahin sina Robby Foldvari at Chris Calabrese ng Australia, 7-5.
- Latest