Lions lalayo pa; Altas sasalo sa 2nd
MANILA, Philippines – Lalayo pa ang 5-time defending champion San Beda Red Lions sa mga karibal kung manalo sa San Sebastian Stags sa 91st NCAA men’s basketball ngayong hapon sa The Arena sa San Juan City.
Solo sa unang puwesto sa 11-3 karta ang Red Lions at ang makukuhang panalo sa larong magsisimula dakong alas-4 ay magpapatibay pa sa paghahabol sa unang dalawang upuan na magkakaroon ng twice-to-beat advatange sa Final Four.
Ang Perpetual Help Altas ay magbabalak na saluhan ang pahingang Letran Knights sa ikalawang puwesto (11-4) sa pagbangga sa talsik na ring Emilio Aguinaldo College Generals sa ganap na alas-2 ng hapon.
Galing sa dalawang dikit na panalo ang Altas at kailangan nila ang panalo dahil ang mga palaban din sa semis na Jose Rizal University at Letran ang dalawa sa makakalaban nila sa huling tatlong asignatura.
Ang nagdedepensang MVP na si Earl Scottie Thompson na kagagaling lamang sa paglista ng kanyang ikaanim na triple-double sa season na 21 puntos, 10 rebounds at 10 assists sa 70-47 pamamayagpag sa St. Benilde Blazers ang hahataw uli sa kanyang koponan.
“Gusto ko lang tulungan ang team na manalo, may triple-double man o wala,” wika ni Thompson na nakatakdang maglaro sa Barangay Ginebra sa PBA matapos ang liga.
Papasok ang Red Lions mula sa 87-80 panalo laban sa Lyceum Pirates.
Hindi impresibo ang panalo dahil hindi nakitaan ang init ng paglalaro sa kabuuan ng laban mula sa nagdedepensang kampeon at ito ay hindi dapat mangyari uli dahil kahit wala na sa tagisan para sa titulo ay gusto ng Stags ang makapanilat pa upang maging sandalan patungo sa 92nd season.
Yumuko ang Stags sa Red Lions, 92-81, pero magagamit nila ang 91-77 panalo sa EAC sa huling laro para tumaas ang kanilang morale. (AT)
- Latest