34th PCA Open-Cebuana Lhuillier Wildcard event mas matindi na ang hatawan ngayon
MANILA, Philippines – Iinit pa ang tagisan sa 34th Philippine Columbian Association (PCA) Open-Cebuana Lhuillier Wildcard Tournament sa pagsapit ng round-of-32 ngayon sa PCA clay court sa Paco, Manila.
Ang 13 seeded players sa pangunguna ng top seed at nagdedepensang kampeon na si Patrick John Tierro ay magtatangka pang manalo na kung saan ang labanan ay gagawin na sa best-of-three sets.
Kalaban ni Tierro si Niel Tangalin na magsisimula sa ganap na alas-12 ng tanghali at pilit na ilalabas pa ng 29-anyos netter ang galing para magpatuloy ang hangaring maidepensa ang titulo sa torneong suportado ng Cebuana Lhuillier, Puma, Dunlop, Head, Babolat, Compass/IMOSTI, Philippine Star at Sarangani Congressman Manny Pacquiao.
Ang second seed at 7-time champion na si Johnny Arcilla ay katunggali si Abson John Alejandre sa ganap na alas-11 ng umaga habang ang third at fourth seed na sina Elberto Anasta at Alberto Lim Jr. ay sasagupain sina Raffy Santiago at Jimmy Tangalin sa ala-1 at alas-2 ng hapon.
Kukumpletuhin ang aksyon sa hanay ng mga pinapaborang netters ng tapatan nina 5th seed Rolando Ruel Jr. at Leander Lazaro (9am), 6th seed Marc Anthony Alcoseba at Calvin Canlas (1pm), 7th seed Francis Casey Alcantara at Joel Atienza (10am), 8th seed Ronard Joven at Raymond Diaz (11am), 9th seed Marc Reyes at Stefan Suarez, 10th seed Fritz Verdad at Mart Clarence Cabahug, 12th seed Roel Capangpangan at Kristian Tesorio, 14th seed Dheo Talatayod at Argil Lance Canizares at 15th seed Arcie Mano at Jason Timbal.
Hindi nakasali ang 11th seed na si Arvin Ruel at 13th seed na si John Altiche habang natalo si 16th seed Arc Dolorito kay Alex Lazaro, 5-8.
- Latest