2018 Asiad idaraos sa Jakarta at Palembang
MANILA, Philippines – Sa dalawang malalaking siyudad sa Indonesia gagawin ang kompetisyon sa 2018 Asian Games.
Sa pagpupulong na ginawa ng Olympic Council of Asia General Assembly sa Ashgabat Turkmenistan kahapon ay pormal na inanunsyo na ang Jakarta ang siyang main venue at siyang pagdarausan ng opening at closing ceremony habang ang Palembang ang siyang venue sa iba pang laro.
Nasa 34 sports ang kabuang bilang ng paglalabanan at 28 dito ay mga Olympic sports habang anim ang Asian Games sports.
Ang Palembang ang siyang pinagsagawaan ng 2011 SEA Games kaya’t hindi magkakaroon ng problema ang mga pasilidad.
Sina POC president Jose Cojuangco Jr., chairman Tom Carrasco Jr. at secretary-general Steve Hontiveros ang mga dumalo sa pagpupulong na kung saan ay sinang-ayunan na rin ang plano para sa 2017 Asian Indoor and Martial Arts Games at ang pagnombra sa Hangzhou, China bilang host ng 2022 Asian Games.
Ang ikalimang edisyon ng AIMAG ay gagawin sa Ashgabat at magiging makasaysayan ito dahil bukod sa 45 Asian countries ay maglalaro rin ang 17 bansa na kasapi ng Oceania National Olympic Committees.
Kasama sa Oceania ay ang malakas na Australia, New Zealand at Guam upang matiyak na mapapahirapan ang Pilipinas na makakuha ng medalya sa torneo.
Iaanunsyo sa hinaharap ng Turkmenistan kung kailan opisyal na lalaruin ang AIMAG na kakikitaan ng tagisan sa 19 sports disciplines.
- Latest