2015 World 9-Ball Championship: Biado, Kiamco umusad sa Last 34
MANILA, Philippines – Tinalo nina Carlo Biado at Warren Kiamco ang mga kababayang nakalaban sa pagsisimula ng knockout round sa 2015 World 9-Ball Championship kahapon sa Al Arabi Sports Club sa Doha, Qatar.
Inangkin ng dating world number one player na si Biado ang huling limang racks para kalusin si Lee Van Corteza, 11-5 sa race-to-11, alternate break format sa Last 64.
Nakitaan naman ng tibay si Kiamco para ilusot ang 11-9 panalo laban kay Raymund Faraon para umusad pa sa torneo.
Lumayo agad si Kiamco sa 5-1 pero inunti-unti ni Faraon ang pagbangon at nakapanakot sa 9-8 at 10-9. Pero sargo ni Kiamco sa 20th race at naipanalo niya ito para pagpahingahin si Faraon.
Sunod na kalaban ni Kiamco si Jalal Yousef ng Venezuela matapos talunin nito sa dikitang labanan si Zhou Long ng China, 11-10.
Mapapalaban din si Biado dahil katunggali niya ang dating World Junior champion na si Ko Pin-yi ng Chinese Taipei nang angkinin nito ang 11-7 tagumpay laban kay Justin Campbell ng Australia.
Lima pang pambato ng Pilinas ang sumalang sa aksyon at pawang may magagandang tsansa na manalo.
Mangunguna rito si Dennis Orcollo, ang kasalukuyang World 8-Ball champion at SEA Games gold medalist na susukatin ang nalalabing panlaban ng host Qatar na si Mishel Turkey.
Mas beterano si Orcollo pero hindi niya puwedeng maliitin ang husay ng Qatari dahil si Turkey ang sumibak kay 2007 champion Daryl Peach ng England, 9-4, kamakalawa.
- Latest