Sumbag!
May mga bago nang pambato ang Pinas sa larangan ng amateur boxing.
Ito ay sina Rogen Ladon, 19 years old at mula sa Bago City sa Negros Occidental at si Eumir Felix Marcial, 19 years old at tubong Zamboanga.
Napanood ko sila ng malapitan nang lumaban sila sa Asian Boxing Championships nung nakaraang linggo sa Bangkok Thailand.
Hindi man sila nagwagi sa finals ng light-flyweight at welterweight divisions ay inilaban nila ang ating bansa sa higit ng kanilang makakaya.
Umuwi silang parehong may blackeye pero pinahirapan din nila ng husto ang mga nakalaban nila mula sa Uzbekistan, Kyrgyzstan, Mongolia, Thailand at Japan.
Natalo sila sa finals at nag-uwi ng silver medals.
Nasungkit din nila ang mga slots sa AIBA World Championships sa Doha, Qatar sa Oct. 5 to 15, kung saan ang mga top placers ay tutungo sa 2016 Olympics sa Rio, Brazil.
Hanga ako kay Ladon at Marcial. Hindi umaayaw. Hindi natatakot.
Nangako sila pareho na pagbubutihin ang kanilang kampanya sa Doha dahil gusto nilang makalaro sa Olympics.
Si Ladon, maliit pero malakas maka-puwing. Si Marcial, malaki at mabigat ang kamao.
“Promise po, gagawin ko lahat sa Doha,” bulong ni Ladon sa atin.
Si Marcial naman, gusto raw niya mag-Olympics bilang regalo sa kanyang ama.
“May edad na si Papa. Sixty-six na siya. Kaya chance ko na mag-Olympics ito. Ayoko mag-Olympics kung setenta na siya. Habang bata pa siya, gusto ko mapanood niya ako sa Olympics,” sabi niya.
Naniniwala ako sa kanilang dalawa.
Pinabilib nila kahit ang mga kalaban. At maging ang mga coaches nila na sina Pat Gaspi, Boy Velasco at Rey Galido. Pati na ang mga big boss na si Ricky Vargas at Ed Picson.
Marami pa tayong magagaling na amateur boxers na puwedeng umabot sa Olympics. Gaya ni Mark Anthony Barriga, Ian Clark Bautista, Mario Fernandez at Charly Suarez.
Good luck sa inyong lahat.
Sumbag Pinoy!
- Latest