Local players mapapasabak ng hatawan sa foreign aces
MANILA, Philippines – Pasasarapin ang aksyon sa Bingo Bonanza National Badminton Open sa susunod na buwan sa pagsali ng mga dayuhang players na susukat sa bigating local players.
Ayon kay Atty. Ponciano Cruz, team manager ng National team, inimbitahan nila ang mga manlalaro mula Guangdong, China para lumahok sa torneo mula Oktubre 11 hanggang 18 sa dalawang venues.
“Initially ay pumayag sila na sumali at hinihintay na lamang namin ang official confirmation,” ani Cruz nang dumalo sa PSA Forum sa Shakey’s Malate kasama sina Al Alonte, VP for operation and marketing ng Bingo Bonanza at Nelson Asuncion na siyang tournament director.
“Ito na ang ikalawang sunod na taon na sumusuporta ang Bingo Bonanza sa National Open. Excited kami dahil ang mga kasapi ng national team at iba pang mahuhusay na local players ay masusubok sa mga foreigners para malaman ang kanilang kalidad,” wika ni Alonte.
Ang mga kategoryang paglalabanan ay men’s at women’s singles, men’s at women’s doubles at mixed doubles at ang qualifying rounds mula Oktubre 11 hanggang 14 ay gagawin sa Rizal Memorial Badminton Hall habang ang quarterfinals, semifinals at finals mula Oktubre 15 hanggang 18 ay sa Glorietta 5 Atrium.
“Bumababa ang interes sa badminton at para bumalik ito ay dadalhin namin ang aksyon sa publiko kaya nagdesisyon kami na gawin sa dalawang venues ang palaro,” paliwanag pa ni Alonte.
Ang kompetisyon ay sinahugan ng P1.5 milyong premyo pero maliban sa cash prizes ay magkakamit din ng puntos ang mga mananalo dahil isa ang torneo sa limang tournaments na itinalaga ng Philippine Badminton Association (PBA) bilang ranking tournaments. (AT)
- Latest