Top performers ng Season 40th kikilalanin ng PBA Press Corps
MANILA, Philippines – Magsasama-sama ang mga pinakamahuhusay na professional stars sa Setyembre 16 sa pagpaparangal ng Philippine Basketball Association Press Corps (PBAPC) sa mga top individual performers sa nakaraang 40th season sa Annual Awards Night sa Century Park Hotel sa Pablo Ocampo St. (dating Vito Cruz), Manila.
Magsisimula ang nasabing annual awards, inilunsad noong 1993, sa ganap na alas-7 ng gabi.
Ang mangunguna sa listahan ng mga awards ay ang Coach of the Year at ang Executive of the Year bilang parangal kina legendary mentor Virgilio ‘Baby’ Dalupan at ang namayapang si team manager Danny Floro ng two-time Grand Slam champion Crispa.
Ang iba pang awards na ibibigay ay ang Defensive Player of the Year, Mr. Quality Minutes (Sixth Man Award), Comeback Player, Order of Merit (ibinibigay sa player na may pinakamaraming Best Player of the Week awards), Scoring Champion at ang All-Rookie Team.
Noong nakaraang taon ay hinirang si Tim Cone bilang PBAPC Coach of the Year sa ikatlong pagkakataon matapos igiya ang San Mig Super Coffee (ngayon ay Star Hotshots) sa Grand Slam title.
Iyon ang unang Coach of the Year plum ni Cone sa loob ng 19 taon o sapul noong 1996 kung kailan niya inihatid ang Alaska sa Grand Slam.
Ang unang PBAPC Coach of the Year award ni Cone, nangunguna sa liga sa kanyang 18 titulo, ay noong 1994.
Si San Miguel Corporation (SMC) top honcho Ramon S. Ang ang kinilala namang Executive of the Year noong nakaraang taon.
Pamumunuan ni PBAPC president Barry Pascua ng Bandera ang awards night.
- Latest