Perlas, India maglalaglagan
MANILA, Philippines - Haharapin ngayon ng Perlas Pilipinas ang koponan ng India para madetermina kung sino sa kanila ang aakyat sa Level 1 sa 2015 FIBA Asia Women’s Championship sa Wuhan, China.
Pinangunahan ng Pambansang koponan ang Level II sa 4-1 karta upang magkaroon ng pagkakataon na bumalik sa mas mataas na grupo sa 2017.
Ang North Korea na tinalo ang Hong Kong, 66-43, ay makakabangga ang Thailand sa unang laro sa ganap na ala-1 ng hapon para sa isa pang puwesto sa Level I.
Bumangon ang Pilipinas matapos matalo sa Malaysia sa unang laro nang tinuhog nila ang North Korea, 68-67, Sri Lanka, 65-45, Hong Kong, 75-62 at Kazakhstan, 80-73, sa double overtime.
Sa kabilang banda, ang India, na ranked 39th sa mundo, ang bukod-tanging koponan sa Level I na hindi nakatikim ng panalo matapos ang limang laro.
Angat ang Pilipinas sa India sa average sa pagpuntos, 70.4-47.6, rebounds, 49.4-37.2, at assists, 11.2-6.4.
Ngunit hindi puwedeng magkumpiyansa ang Nationals dahil tiyak na hindi papayag ang katunggali na bumaba ng lebel.
Ang magandang pagtutulungan ng lahat ng 12 players ang sasandalan ni coach Pat Aquino para makuha ang tagumpay.
- Latest