Lahat palaban sa kampeonato
MANILA, Philippines – Sa ikinikilos ng mga kumpirmadong kasaling koponan ay makakatitiyak ang mga panatiko ng liga sa isang pang kapana-panabik at walang puknat na aksyon kapag nagsimula na ang 2015 Philippine Superliga (PSL) Grand Prix sa Oktubre 10 sa Alonte Sports Arena sa Biñan, Laguna.
Anim ang kumpirmadong kasali na sa pangunguna ng Petron bukod pa sa Foton, Philips Gold, Cignal HD, Meralco-DLSU at ang nagbabalik na RC Cola-Air Force at lahat ay nagpapalakas ng kanilang line-ups.
Kampeon din sa 2015 All-Filipino Cup, ibabalik uli ng Lady Blazer Spikers ang matikas na manlalaro tulad nina Dindin Manabat, Rachel Ann Daquis at Aby Maraño. Ang Brazilian setter na si Erica Adachi ay lalaro uli at makakatambal niya ang kakabayang si 6’1 Rupia Inch Furtado.
Ang mga Brazilian imports ay nasa bansa na dahil ang Petron ay lalaro sa AVC Asian Women’s Club Championship sa Ha Nam City sa Vietnam mula Setyembre 12 -20.
Kumuha rin ng mga bagong mukha ang iba pang kasali at nakitaan ng pagiging seryoso ang Foton na higitan ang panlimang puwestong pagtatapos noong nakaraang taon sa pagsilo sa 6’5 na si Jaja Santiago.
May triple tower ngayon ang Tornadoes dahil ibinalik ng koponan ang 6’1 na US import na si Lindsay Stalzer para isama sa 6’4 American Anne Messing.
Nasa Philips Gold si Fil-Am Lindsay Dowd para makapalit ni Iris Tolenada na nagdesisyon na kunin ang pagiging assistant coach sa University of Santa Clara sa California habang ang Cignal ay binitbit sina Michelle Gumabao, Rizza Mandapat at April Ross Hingpit mula sa Shopinas Lady Clickers na pumangalawa sa Petron sa All-Filipino Cup.
- Latest