Generals sinelyuhan ang ikatlong silya sa final four Archers, Wildcats nauwi sa playoff
Laro sa Lunes (The Arena, San Juan City)
1 p.m. NCBA vs La Salle
MANILA, Philippines – Tinalo ng Emilio Aguinaldo College Generals ang La Salle Archers at natalo rin ang NCBA Wildcats sa UP Maroons upang mangailangan pa ng isang extra game para malaman ang mga maglalaban-laban sa semifinals ng Spikers’ Turf Collegiate Conference.
Natapos ang aksyon sa quarterfinals kahapon sa The Arena sa San Juan City at kinuha ng Generals ang ikatlong puwesto sa Final Four sa pamamagitan ng 25-23, 23-25, 25-20, 26-24 tagumpay sa Archers sa unang laro.
Hindi nadepensahan ng Archers ang mahusay na si Howard Mojica na tumapos taglay ang 35 puntos mula sa 28 kills, 5 aces at 2 blocks.
Inako ni Mojica ang kalahati sa kabuuang attack points na ginawa ng NCAA champion Generals tungo sa 56-42 bentahe habang angat din ang EAC sa serve, 8-5 para katampukan ang ikaapat na panalo matapos ang pitong laro.
Makakaharap ng EAC ang number two team National University Bulldogs sa best-of-three semifinals sa ligang inorganisa ng Sports Vision at handog ng PLDT Home Ultera.
Hindi naman agad na nadetermina ang kukumpleto sa mga maglalaro sa semifinals dahil ginulat ng talsik na UP Maroons ang NCBA Wildcats sa ikalawang laro, 25-21, 22-25, 25-19, 23-25, 15-11.
Inakala ng mga panatiko ng Wildcats na ookupahan na nila ang ikaapat na puwesto nang hinawakan ang 8-5 bentahe pero kumulapso sila sa rally ng Maroons.
Lamang pa ng isa ang Wildcats, 10-9 nang naghatid sa tig-dalawang puntos sina Wendel Miguel at Julius Evan Raymundo para magkaroon ng apat na match point ang Maroons, 14-10.
Naisuko ng koponan ang isang match point pero kumawala ng back row attack si Alfred Gerard Valbuena para matapos ang laro at itulak ang NCBA sa playoff laban sa La Salle sa Lunes para sa huling upuan.
Tumapos ang Katipunan-based spikers sa 2-5 baraha at si Valbuena ay mayroong 26 puntos habang sina Miguel at Raymundo ay nagsanib sa 22 puntos.
- Latest