Perlas lusot sa Kazakhstan, kakasa sa playoff
MANILA, Philippines – Nananatiling palaban ang Perlas Pilipinas sa hangaring makabalik sa Level I nang talunin sa overtime ang Kazakhstan, 80-73, sa pagtatapos ng 2015 FIBA Asia Women’s Championship Level II elimination round kahapon sa Wuhan, China.
Ipinakita ni Merenciana Arayi ang pagiging beterana nang naghatid siya ng 28 puntos at 16 puntos ay ginawa niya sa fourth period at overtime para makabangon ang Pambansang koponan mula sa pagdodomina ng Kazakhstan sa naunang yugto ng labanan.
Lamang pa ang Kazakhs ng siyam na puntos, 60-51, nang nagpakawala ng dalawang triples si Arayi habang isa ang kay Shelly Gupilan upang mapasiklab ang 12-3 palitan at magtabla sa regulation ang dalawang koponan sa 63-all.
Huling tikim ng Kazakhs ng lamang ay sa 69-68 bago bumuslo ng tatlong free throws at nagpasok pa ng isang tres si Arayi para makapagdomina na sa 74-69 bentahe.
Apat na triples ang ginawa ni Arayi sa laro habang sina Gupilan at Marizze Andrea Tongco ay may tig-10 puntos. Afril Bernardino ay humablot ng 14 rebounds bukod sa anim na steals, limang assists at dalawang blocks para makabawi sa apat na puntos lamang.
Ito ang ikaapat na sunod na panalo ng Pilipinas matapos matalo sa Malaysia sa unang laro at nakuha nila ang isa sa unang dalawang puwesto para umabante sa playoffs laban sa dalawang mangungulelat sa Level I.
Ang mananalo sa playoffs ang aakyat sa Level I sa 2017 edisyon
Ang North Korea na may 3-1 karta ay patok na makuha ang ikalawang puwesto dahil kalaban nila ang Hong Kong.
- Latest