3 Pinoy boxers puntirya ang quarters
BANGKOK – Sa isang bahagi ng multi-level parking lot ng kanilang hotel ay nagpapawis ang mga Filipino boxers bilang paghahanda sa round-of-16 ng ASBC Asian Boxing Championships.
Nagpapawis sina light-fly Rogen Ladon, bantamweight Mario Fernandez at welterweight Eumir Felix Marcial para sa kanilang krusyal na mga laban ngayon dito sa Thammasat University Gymnasium.
Madedetermina sa round-of-16 kung makakapasok ang mga Filipino boxers sa World Championships sa Qatar sa Oktubre.
Lalabanan ni Ladon si Rakhmankul Avatov ng Kyrgysztan para sa unang laban sa pag-aagawang tiket sa Doha meet na nakatakda sa Oct. 5-15.
Haharapin naman ni Fernandez, ang back-to-back gold medalist sa SEA Games, si top seed Kairat Yeraliyev ng Kazakhstan, habang makakabangga ni Marcial, ang reigning SEA Games champion, si second seed Israil Madrimov ng Uzbekistan.
Ito ang ikalawang pagtatagpo nina Fernandez at Yeraliyev matapos noong 2013 sa Jordan kung saan nanalo si Yeraliyev.
Sasagupain naman ni lightweight Charly Suarez si Kazakhstan bet Zakir Safiullin.
Ang panalo ni Suarez, ang No. 2 seed sa 60 kg class, ang magpapasok sa kanya sa quarterfinals at maglalapit sa isang silya sa World Championships.
Haharapin naman sa Lunes ni flyweight Ian Clark Bautista, isang gold medalist sa SEA Games, si Trong Tai Bui ng Vietnam.
- Latest