Protesta ‘di na itutuloy ng Chiefs
MANILA, Philippines – Hindi na itinuloy ng Arellano Chiefs ang naunang plano na iprotesta ang 112-114 double overtime na pagkatalo sa Jose Rizal Heavy Bombers sa 91st NCAA men’s basketball noong Huwebes sa The Arena sa San Juan City.
Sinabi ni Peter Cayco,kinatawan ng Management Committee ng Arellano, na mismo ang pangulo ng unibersidad na si Francisco Cayco ang nag-utos sa kanya na iurong ang protesta para sa kapakanan ng liga.
“In the spirit of sportsmanship and in the interest of the NCAA, I was ordered by my president not to put the game under protest,” wika ni Cayco.
Nagreklamo ang Chiefs dahil hindi agad naitama ng mga game officials ang buslo ni Heavy Bombers gunner Bernabe Teodoro.
Unang itinawag ito bilang isang 3-pointer at matapos ang isang krusyal play para sa Chiefs ay saka itinama na ang bulso ay two-pointer lamang dahil nakatapak siya sa 3-point line.
Kung agad na ginawa ito ng game officials ay hindi na nangailangan si Jiovani Jalalon na magbigay ng foul dahil naipasok niya ang sariling tres para magtabla ang dalawang paaralan sa 112-all.
Binigyan ng dalawang free throw si Gio Lasquety sa huling 1.4 segundo na kanyang naipasok para sa panalo ng Heavy Bombers.
Binigyan diin ng Arellano na hindi kasalanan ito ng Jose Rizal kaya’t minabuti na huwag nang ituloy ang reklamo.
Ang desisyon ay sesemento sa 6-4 na karta ngayon ng Chiefs at Heavy Bombers para magsalo sa ikaapat na puwesto sa team standings.
- Latest