Gilas hihintayin ang desisyon ng FIBA kay Clarkson
MANILA, Philippines - Sa Setyembre 8 ang itinakdang deadline sa pagsusumite ng Samahang Basketbol ng Pilipinas sa 12-man line-up ng Gilas para sa pagsabak sa FIBA Asia sa Changsa, China.
Magdedesisyon si FIBA secretary-general Patrick Baumann kung papayagan nila si Fil-Am Jordan Clarkson ng Los Angeles Lakers na maglaro sa Gilas para sa FIBA Asia Championships.
Maliban sa FIBA clearance ay kailangan din ng SBP na makakuha ng approval sa Lakers.
Bilang FIBA secretary-general ay may kapangyarihan si Baumann na gumawa ng desisyon ukol sa eligibility at maaaring konsultahin ang FIBA Legal Commission.
Sa kaso naman ni Clarkson, wala nang kuwestiyon sa kanyang pagkakaroon ng lahing Filipino dahil ang kanyang inang si Annette Tullao ay tubong Angeles, Pampanga.
Noong nakaraang Miyerkules ay nagtungo si Clarkson sa Angeles, Pampanga para makilala ang kanyang mga kamag-anak.
Ang pagbisita ay kinuhanan ng SBP at ipinadala sa FIBA bilang ebidensya ng kanyang Filipino heritage.
Dumating ang 23-anyos na si Clarkson sa Manila mula sa Los Angeles noong Lunes ng gabi at dumalo sa Gilas practice sa Meralco gym noong Miyerkules at Huwebes.
Nagbakasyon si Clarkson sa Boracay at inaasahang magbabalik sa Manila ngayong gabi.
Habang hinihintay ang FIBA decision ay plano ng SBP executives na makipag-usap sa ama ni Clarkson na si Mike sa San Antonio, Texas at kay Lakers general manager Mitch Kupchak sa Los Angeles sa susunod na linggo.
Hangad ng SBP na tiyakin kay Mike at kay Kupchak ang pangangalaga nila kay Clarkson kapag naglaro ito sa Gilas.
Nilimitahan ng FIBA ang isang National team na kumuha ng isang naturalized player, ngunit bukas naman sila para sa mga players na may dual nationalities.
Noong 2011 ay diniskuwalipika ng FIBA ang tinatawag na limang “localize” foreigners ng Qatar para sa FIBA Asia Championships sa Wuhan.
- Latest