Baste tinakasan ang Letran
MANILA, Philippines – Bumangon ang six-time champions na San Sebastian Stags mula sa 11-point deficit para ipalasap sa Letran Knights ang ikalawang kabiguan nito ngayong season.
Humakot si Michael Calisaan ng 27 points, ang 17 dito ay kanyang iniskor sa third period, at 10 rebounds para sa 89-87 pagtakas ng Stags kontra sa Knights sa second round ng 91st NCAA men’s basketball tournament kagabi sa The Arena sa San Juan City.
Nauna nang isinalpak ni guard Ryan Costelo ang isang palobong tirada para ibigay sa San Sebastian ang 88-87 abante sa huling 9.4 segundo kasunod ang turnover ni Letran guard Mark Cruz sa huling 3.8 segundo.
Naipasok ni Calisaan ang isang free throw para sa 89-87 bentahe ng Stags at nadepensahan ang tangkang tres ni Knights’ shooter Rey Nambatac sa pagtunog ng final buzzer.
Itinaas ng San Sebastian ang kanilang baraha sa 3-7, habang nagsosyo sa liderato ang Letran at ang five-peat champions na San Beda sa magkakatulad nilang 8-2 record.
Umiskor ang Red Lions ng 96-84 panalo laban sa Emilio Aguinaldo College Generals.
Naglista si Arthur Dela Cruz ng career-high na 30 points, 10 rebounds,5 assists at 4 steals para pamunuan ang Lions, hindi nakuha ang serbisyo ni 6-foot-8 Nigerian import Ola Adeogun.
- Latest