Playoff puntirya ng Archers sa Bulldogs
MANILA, Philippines – Asahan ang maiinit na tagisan sa pagpapatuloy ng Spikers’ Turf Collegiate Conference quarterfinals ngayon sa The Arena sa San Juan City dahil sasalang ang apat na koponan na naghahabol ng puwesto sa susunod na round.
Tatangkain ng UP Maroons na maibangon pa ang sarili sa pagharap sa talsik ng FEU Tamaraws sa ganap na ala-1 ng hapon habang ang isa pang namemeligrong St. Benilde Blazers ay sasalang sa do-or-die game laban sa NCBA Wildcats dakong alas-3 ng hapon.
Playoff sa semifinals ang puntirya naman ng La Salle Archers kontra sa wala pang talong National University Bulldogs sa ikatlo at huling laro dakong alas-5 ng hapon.
Ang Ateneo Eagles at Bulldogs ay pasok na sa Final Four pero asahan na palaban pa rin ang NU para hindi maputol ang momentum papasok sa mahalagang yugto ng aksyon sa ligang inorganisa ng Sports Vision at handog ng PLDT Home Ultera.
Tig-1-4 karta ang bitbit ng UP at St. Benilde at pareho nilang kailangang manalo dahil kung hindi ay maiiwan na lamang ang pahingang Emilio Aguinaldo College Generals, Archers at Wildcats na magtatagisan para sa puwesto sa Final Four.
Hindi pa nakakatikim ng panalo ang Maroons sa yugtong ito matapos ang straight sets pagkatalo sa kamay ng Bulldogs at Generals.
Pero may posibilidad na matapos ito dahil ang karibal nila na FEU ay may 0-5 karta para mamahinga na sa liga.
May 1-4 karta ang Blazers ngunit galing sila sa apat na sets na pagkatalo sa Bulldogs.
Dapat na bumalik ang kinang sa laro ng St. Benilde dahil ang Wildcats ay magnanais na bumangon mula sa pagkatalo sa Eagles sa larong nadomina nila ang first set pero tumukod sa sumunod na tatlong sets na pinaglabanan. (AT)
- Latest