OK si Troy
Kung ako ang Kia, na tatawaging Mahindra Enfor-cers sa darating na PBA season, hindi ko bibitawan si Troy Rosario.
Sa tingin ko, malayo at malaki ang mararating ni Troy na sa edad na 23 ay meron nang skills na kayang tumapat sa mga PBA veterans.
May taas na 6’7 at malaki ang katawan. Hindi pat-patin. May galaw sa loob at sa labas. May opensa. May depensa.
In short, kumpleto.
Pero maugong na maugong bago ginanap kahapon ang PBA Draft na kung bumagsak si Troy sa Kia bilang No. 2 pick ay gagamitin siyang pang-trade.
Talk ‘N Text ang unang pipili at mukhang kasado na sila na gawing top pick si Moala Tautuaa, isang Filipino-Tongan na marahil ay kamag-anak ni Asi Taulava.
Malaki rin si Tautuaa at halos 6’8 ang taas.
Sabihin na nating kinuha ng TNT si Tautuaa, Kia ang sunod na pipili at tiyak na si Troy ang kanilang kukunin.
Pero ano nga ba ang nasa isip ni playing-coach Manny Pacquiao?
Meron na ba silang team o teams na nakausap para i-trade si Troy? Sino at ano kaya ang hinihingi nilang kapalit?
Ewan ko ah, pero dahil batang team pa naman ang Mahindra, mas maganda kung mag-invest sila sa mga batang players na may malalakas na potensiyal.
Long-term.
Baka kasi takaw-mata lang ang Mahindra na kumuha ng isang superstar kapalit ni Troy, isang superstar na medyo may edad na at kung baga sa kotse ay mataas na ang milyahe.
Brand new si Troy. Malinis pa ang makina.
Buong-buo pa ang mga piston at ilang taon pa bago mamalya.
Kaya kay Troy ako.
Wag lang makialam ang Talk ‘N Text.
- Latest