Thompson tuloy sa pagpapasikat kahit may injury
MANILA, Philippines – Malakas na pagtatapos ang ginawa ni Perpetual Help Altas guard Earl Scottie Thompson sa 91st NCAA men’s basketball first round elimination upang iakyat ang koponan kasalo sa pangalawang puwesto sa 7-2 karta.
Bagamat hindi pa lubusang gumagaling ang tinamong left ankle strain ay nakapagpasikat pa ang graduating player sa paglista ng kanyang pangatlong triple-double game para katampukan ang 86-83 overtime panalo laban sa Jose Rizal University Heavy Bombers.
Nagtala siya ng 13 puntos, 13 rebounds at 17 assists upang magkaroon ng two-game winning streak ang Altas.
Dahil sa ipinakitang galing, si Thompson na pinili rin ng Barangay Ginebra bilang fifth pick sa idinaos na PBA Drafting kahapon, ang kinilala bilang ACCEL Quantum 3XVI-NCAA Press Corps Player of the Week.
Ito na ang ikalawang POW citation niya sa taon mula sa mga mamamahayag na kumokober sa pinakamatandang collegiate league sa bansa.
“Iba talaga si Scottie, kahit may iniinda ay ginagawa niya ang lahat ng puwedeng gawin matulungan lamang ang team,” papuri ni Altas coach Aric del Rosario.
Laro ng mga guards ang kuminang sa pagtatapos ng first round dahil si Jiovani Jalalon ng Arellano Chiefs ang nakaribal ni Thompson para sa citation. (AT)
- Latest