2 Fil-Am guards pinabilib ang mga PBA coaches
MANILA, Philippines – Dahil sa pagkakasama nina top overall pick prospect Moala Tautuaa at National University star Jeth Troy Rosario sa biyahe ng Gilas Pilipinas sa Estonia ay ilang aspirante ang nagpakitang-gilas sa Day One ng 2015 Gatorade PBA Draft Combine kahapon sa Gatorade Hoops Center sa Mandaluyong.
Pinabilib nina Fil-American guards Maverick Ahanmisi at Jerramy King ang mga PBA coaches na mamimili ng kanilang mga kukunin sa 2015 PBA Rookie Draft sa Linggo sa Robinson’s Place sa Ermita, Manila.
Nanguna si Ahanmisi, kamador ng nagkampeong Cafe France Bakers sa nakaraang komperensya ng PBA D-League, sa 3/4 Court Sprint matapos maorasan ng 3.43 segundo.
Bumandera rin ang 6-foot-2 na produkto ng University of Minnesota sa Lane Agility Drill sa bilis na 11.22 segundo.
Nagpasikat naman ang 5’10 na si King, naglaro para sa AMA University sa D-League, sa Maximum Vertical Leap mula sa kanyang lundag na 38.5 inches at ang pinakamabilis sa Reaction Time.
Sumailalim ang mga aspirante sa anthropometry tests (basic measurement kagaya ng height, weight at arm span), functional movements at performance tests (agility, speed, endurance at strength) sa Day One.
Nakatakdang pag-agawan ng mga rookie hopefuls, hinati sa walong koponan, ang premyong P50,000 sa isang mini-tournament sa Day Two ngayong araw.
- Latest