Dating mainstays ng Gilas Pilipinas ‘di nakuha MVP idinaan sa Twitter ang pagkadismaya
MANILA, Philippines – Hindi na naitago ni Samahang Basketbol ng Pilipinas president Manny V. Pangilinan ang kanyang pagkadismaya matapos mabigong makuha ang mga PBA players na bubuo sa Gilas Pilipinas.
Sa kanyang Twitter account na @iamMVP, ikinalungkot ni Pangilinan ang hindi pagsama ng mga dating manlalaro ng Gilas Pilipinas para sa kampanya sa darating na 2015 FIBA Asia Championship sa Changsa, China.
Partikular na rito sina back-to-back PBA Most Valuable Player June Mar Fajardo ng San Miguel, Ginebra point guard LA Tenorio at Star power forward Marc Pingris.
Ang San Miguel, Ginebra at Star ay nasa bakuran ng San Miguel Corporation (SMC).
“Sad day for Phil basketball. But thank you to the team which helped the national cause. Laban Pilipinas. Puso,” sabi ni Pangilinan ng PLDT na humahawak sa Talk ‘N Text, Meralco at NLEX.
Sina Fajardo, Tenorio at Pingris ay bahagi ng Gilas Pilipinas ni dating coach Chot Reyes na kumuha ng silver medal noong 2013 FIBA Asia Championship sa Manila para makapaglaro noong 2014 FIBA World Cup sa Spain.
Idinahilan ng 6-foot-10 na si Fajardo ang pagkakaroon niya ng foot injury, habang may fatigue si Tenorio at mas mahalaga naman para kay Pingris ang kampanya ng Hotshots sa 41st PBA season.
Ang tatlo ay bahagi ng 16-man training pool na inilista ni Gilas Pilipinas mentor Tab Baldwin kasama si Kelly Williams ng Talk ‘N Text na nagkaroon ng MCL injury sa kanilang ensayo.
Ang iba pa ay sina Jayson Castro, Ranidel de Ocampo at Mat Ganuelas Rosser ng Talk ‘N Text, Asi Taulava at Aldrech Ramos ng NLEX, Terrence Romeo ng Globalport, Gary David ng Meralco, JC Intal ng Barako Bull, Gabe Norwood ng Rain or Shine, Sonny Thoss, Dondon Hontiveros at Calvin Abueva ng Alaska.
Makakatuwang ng Nationals si 6’11 naturalized player Andray Blatche at 6’7 Fil-Tongan Moala Tautuaa bilang back-up player.
- Latest