ASBC Asian Women’s Championships: Petecio susuntok sa ginto vs Thai boxer
MANILA, Philippines - Itinaas pa ni Nesthy Petecio ang kulay ng medalya na kanyang tiyak na maiuuwi sa idinadaos na ASBC Asian Women’s Boxing Championships nang nagwagi pa sa semifinals noong Miyerkules sa Wulanchabu, China.
Mahusay na napaghandaan ni Petecio ang mga pamatay na suntok ni Maisnam Meena Kumari Devi ng India at umiskor sa mga counter punches para kunin ang 40-36, 40-36 at 39-37, unanimous decision sa bantamweight division.
“Nakita ko ang mga suntok niya at na-frustrate siya dahil nakakaiskor din ako sa counter punches,” wika ng 23-anyos at tubong Sta. Cruz, Davao del Sur na si Petecio.
Isang silver medalists sa World Women’s Championships sa Jeju, Korea at sa Singapore SEA Games, magtatangka si Petecio na makakuha ng gintong medalya sa pagharap sa pambato ng Thailand na si Peamwilai Laopeam.
Hiniritan ng Asian Indoor Games at multi-SEA Games gold medalist na si Laopeam ng kumbinsidong 40-36, 40-36, 40-36 unanimous decision ang kalabang si Myagmar Gundegmaa ng Mongolia.
Sa dalawang beses na pagtutuos nina Petecio at Laopeam, unang nanalo ang Thai lady boxer sa Pelembang SEAG habang nakabawi ang Pinay pug nang sila ay nagkita sa China Open noong nakaraang taon.
Dapat na mapanatili ni Petecio ang magandang porma dahil nagsabi si Laopeam ng kanyang determinasyon na makuha ang ginto sa dibisyon.
“I had several fight losses over the past two years, so I have focused to improve some of my skills. I am now in the final and I will try to win that contest tomorrow,” wika ni Laopeam.
Tanging si Petecio lamang ang panlaban ng ABAP dahil nasibak na sina Josie Gabuco, Irish Magno at Riza Pasuit.
- Latest