ISAA cagefest kasado na
MANILA, Philippines – Pitong regular members at isang guest team ang maglalaban-laban sa 7th Inter-Scholastic Athletic Association (ISAA) na magbubukas sa Agosto 19 sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Mangunguna sa datihan ang Philippine Merchant Marine School (PMMS) na siyang nagdedepensang kampeon sa basketball.
Ang iba pang kasali ay ang Feati, St. Dominic College of Asia, Manila Taitana College, Manila Adventist College, Philippine Women’s University at La Consolacion Manila. Ang guest team ay ang PATTS.
“This is now our seventh year and I feel we are getting bigger and stronger. Hindi madali ang magpatakbo ng liga at ngayong nasa ikapitong taon na kami ay masasabi kong nalagpasan namin ang malalaking hamon,” wika ni Melanie Florentino ng Feati na siyang pangulo ng ISAA nang dumalo sa PSA Forum sa Shakey’s Malate kahapon.
Hindi pa maihahanay ang ISAA sa mga bigating collegiate leagues tulad ng NCAA at UAAP pero kumbinsido ang pamunuan na malapit na ang panahon na magiging ka-lebel na sila ng mga ito.
Tinuran ng pamunuan na ang iba nilang manlalaro ay naglalaro na sa PBA D-League habang ang champion team ng liga ay kasali rin sa Philippine Collegiate Champions League (PCCL).
“Ang pagdagdag ng PATTS bilang guest team ay magandang senyales na maganda ang imahe ng ISAA,” dagdag pa ni Florentino.
Bukod sa basketball ay magsasagawa rin ng aksyon ang ISAA sa volleyball, swimming, table tennis at badminton.
Si Ronnie Magsanoc ang inimbitahan para maging panauhin sa pagbubukas ng liga. (AT)
- Latest