Petecio tumiyak ng bronze
MANILA, Philippines – Isinalba ni Nesthy Petecio ang kampanya ng Pilipinas sa ASBC Asian Women’s Boxing Championships nang tiyakin ang bronze medal sa kompetisyong ginagawa sa Wulanchabu, Inner Mongolia.
Naiwang mag-isa na lamang na balikatin ang laban nang matalo ang tatlong iba pang lahok ng ABAP, hindi binigyan ni Petecio nang anumang pagkakataon si Kawano Sana ng Japan gamit ang kanyang mababangis na kumbinasyon tungo sa 40-36, 40-36, 40-34 unanimous decision panalo sa quarterfinals sa bantamweight division.
Ang semifinals ay gagawin ngayon at kalaban ng World Championships at Singapore SEA Games silver medalist na si Petecio si Maisnam Meena Kumari Devi ng India na ginulat ang pambato ng China na si Liu Piaopiao sa pamamagitan ng split decision.
Dalawang hurado ang pumabor sa Indian lady pug sa magkatulad na 39-37 iskor habang ang isang hurado ay pumanig kay Liu, 39-37.
Pahinga ang aksyon nitong Martes at tiyak na ginamit ito nina coaches Roel Velasco at Mitchel Martinez para maihanda si Petecio nang husto.
Nauna nang namaalam sina Josie Gabuco, Irish Magno at Riza Pasuit nang Matalo sila sa quarterfinals.
- Latest