Si Petecio na lang ang nakatayo: Gabuco, Magno at Pasuit napatalsik na
MANILA, Philippines – Nagdilim ang naunang magandang ipinakikita ng women’s boxing team nang nalaglag sina Josie Gabuco, Irish Magno at Riza Pasuit sa pagpapatuloy ng ASBC Asian Women’s Championships sa Wulanchabu, Inner Mongolia.
Hindi umubra ang malawak na karanasan ng dating World champion at Singapore SEA Games gold medalist na si Gabuco sa bata pero matangkad na si E Naiyan para lasapin ang unanimous decision na pagkatalo.
Bago ito ay pinatulog muna ni Gabuco si Gulasal Atakulova ng Uzbekistan sa unang laban para akalain na paborito laban kay Naiyan na nakasali lamang bilang pamalit ni Wang Yuyan.
Pinatunayan naman ni Naiyan na tama ang desisyon nang tiyakin na ang bronze medal sa light flyweight division.
Hindi rin pinalad si Magno laban sa 2005 ABIA Women’s World Boxing Championships silver medalist Ri Hyang Mi ng North Korea tungo sa unanimous decision pagkatalo sa quarterfinals sa flyweight division.
Kinulang din ang ginawa ng tubong Bacolod na si Pasuit laban sa 19-anyos Chinese lady boxer na si Gao Meiling para isuko ang split decision pagkatalo sa featherweight division.
Dahil sa nangyari, si Nesthy Petecio na lamang ang aasahan para sa mahalagang medalya.
Galing din sa KO panalo sa huling laro laban kay Yakubova Aziza ng Uzbekistan, haharapin ni Petecio si Kawano Sana ng Japan at ang makukuhang panalo ay magbibigay na sa Pinay ng bronze. (AT)
- Latest