Lady Patriots pasok sa quarters; Lady Stags hulog
MANILA, Philippines - Tinapos ng UST ang kampanya sa Shakey’s V-League Season 12 Collegiate Conference elimination bitbit ang apat na sunod na panalo nang lapain nila ang San Sebastian, 25-22, 25-15, 25-17, kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Sinandalan ng Tigresses ang lakas sa blocking para mapatahimik ang Lady Stags at hawakan ang pangalawang puwesto sa Group B sa 4-1 karta.
Si Chlodia Cortez ang hinugot ni coach Emilio Reyes Jr. para ipalit sa puwesto ng may injury na si Carmela Tunay at tumugon ito sa pagtala ng tatlong blocks at isang ace tungo sa 10 puntos.
May 11-3 bentahe sa blocks ang UST at hinawakan nila ang 6-0 kalamangan sa departamento sa first set para maipanalo ang dikitang labanan.
Ang team captain na si Pamela Lastimosa ay umiskor ng 14 puntos habang si Ennajie Laure ay may 12 para magkaroon sila ng magandang momentum papasok sa quarters sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s at handog ng PLDT Home Ultera.
Tuluyang namaalam ang Lady Stags sa kompetisyon nang magwagi ang La Salle-Dasma Lady Patriots sa St. Benilde Lady Blazers sa marathon na 25-19, 25-21,15-25, 18-25, 16-14 iskor sa huling laro.
Bunga nito ay tumapos ang Lady Patriots at Lady Blazers sa magkatulad na 2-3 karta para samahan na ang Ateneo at UST sa quarterfinals.
Nagkaroon din ng kinang ang pagsali ng University of Batangas Mighty Brahmans dahil nakatikim din sila ng panalo matapos ang limang laro sa pamamagitan ng 19-25, 25-22, 25-22, 28-26 panalo sa talsik na ring PUP Lady Radicals.
- Latest