Gabuco, Petecio humirit ng KOs
MANILA, Philippines - Hinigitan nina Josie Gabuco at Nesthy Petecio ang magandang panalo na naiposte ni Irish Magno para umabante rin sa quarterfinals sa idinadaos na ASBC Asian Women’s Boxing Championships sa Wulanchabu, China.
Di tulad sa decision panalo ni Magno, sina Gabuco at Petecio ay nagtala ng kumbinsidong knockout panalo upang ipaalam sa ibang katunggali ang kahandaan na makuha ang medalya sa pinaglalabanang dibisyon.
Ang dating World champion at SEAG gold medalist na si Gabuco ay nagwagi kontra kay Gulasal Atakulova ng Uzbekistan sa third round sa light flyweight division.
Dinuplika ni Petecio ang magandang panalo ng kababayan nang kunin din ang second round knockout panalo sa isa pang Uzbekistan fighter na si Yakubova Aziza sa bantamweight division.
Sunod na kalaban ni Gabuco ang pambato ng host country na si E Naiyan na nagwagi kontra sa AIBA Women’s World Boxing Championships quarterfinalists na si Aldriani Beatrichx Sugoro ng Indonesia.
Si Petecio ay makakasukatan naman ang Haponesang si Kawano Sana na bye sa first round.
Si Magno na kumakampanya sa flyweight at tinalo ang World Youth champion na si Lin Yu-Ting ng Chinese Taipei ay makakalaban ang 2005 World Women’s Championships silver medalist na si Ri Hyang Mi.
Sakaling manalo pa ang mga panlaban ng ABAP ay papasok na sila sa semifinals at nakatiyak na ng bronze medals.
- Latest