UP Maroons kakatok sa quarterfinals ng Spikers’ Turf
MANILA, Philippines – Bubuhayin ng mga koponang namemeligrong mamaalam ang kanilang tsansa sa Spikers’ Turf Collegiate Conference ngayon sa The Arena sa San Juan City.
Ang La Salle-Dasma Patriots at UP Maroons ang magtutuos sa ganap na ala-1 ng hapon bago sundan ng pagkikita ng National University Bulldogs at FEU Tamaraws sa alas-3 at Ateneo Blue Eagles at Arellano Chiefs sa alas-5.
Sa anim na koponang ito ay ang Blue Eagles at Bulldogs ay nakatiyak na ng upuan sa quarterfinals sa ligang inorganisa ng Sports Vision at handog ng PLDT Home Ultera matapos ang magkakatulad na 3-0 karta.
Ang Maroons ay may 2-1 marka sa Group B at kailangang manalo para samahan ang Blue Eagles at La Salle Green Archers sa susunod na round.
Pero hindi puwedeng magkumpiyansa ang koponang natalo sa Ateneo sa huling laro dahil ang Patriots ay nasa must-win sa huling dalawang asignatura upang maisalba pa ang kasalukuyang 0-3 karta.
Kasalo nila ang Chiefs sa huling puwesto.
May 1-2 karta naman ang FEU sa Group A kaya’t kailangan din nilang manalo sa Bulldogs na sa 3-0 baraha ay magpupursigi pa dahil carryover ang mga record sa elimination round papasok sa quarterfinals.
Kung matatalo ang Tamaraws ay pahihintulutan nila ang pahingang Mapua Cardinals na makatabla sa mahalagang pang-apat na puwesto.
Tinapos ng Cardinals ang tatlong dikit na talo gamit ang 25-17, 25-23, 25-23 panalo sa UE Warriors. (AT)
- Latest