Zamora binasag ang dalawang meet records ni Schooling 10 ginto hinakot ng PSL tankers
SINGAPORE – Katulad ng inaasahan, nagparamdam agad ang mga lahok ng Philippine Swimming League (PSL) sa pagsisimula ng Singapore Invitational Swimming Championship sa paghakot ng mga medalya at pagtatala ng dalawang bagong record kahapon sa Singapore Island Country Club (SICC) dito.
Si Sean Terence Zamora, itinanghal bilang Male Swimmer of the Year, ang nagtala ng bagong marka sa boys’ 14-15 100-meter butterfly event mula sa kanyang oras na isang minuto at 1.27 segundo.
Ang dating record ay hawak ni Incheon Asian Games at SEA Games multi-gold medalists na si Joseph Schooling ng host Singapore na 1:02.16 noong 2010.
“Talaga pong gusto kong burahin ang record. Malalakas po ang mga nakalaban ko kaya talagang todo na sa final meters,” wika ni Zamora, estudyante ng UST, na pinangunahan ang 10 gold, 11 silver at 6 bronze medals na nilangoy ng delegasyon sa unang araw ng torneo.
Unang giniba ni Zamora ang record ni Schooling sa 50m backstroke para sa silver performance sa naturang event.
One-three finish ang ginawa ng PSL sa nasabing event dahil ang bronze medal ay kinuha ni Paul Christian Cusing ng Diliman Preparatory School (1:05.22).
Ang pilak ay napunta kay Zhong Qing Ang ng Singapore (1:02.79).
Naghatid din ng tagumpay ang mga manlalangoy tulad nina Micaela Jasmine Mojdeh at Charize Julian Esmero na nanalo ng tig-dalawang ginto.
Nagkampeon si Mojdeh, beterana ng Ocean All Stars Challenge, sa girls’ 8-9 100m butterfly (1:21.48) at sa 50m breast stroke (44.71), habang si Esmero ay nagwagi sa girls 12-13 200m freestyle (2:26.17) at sa 50m backstroke (34.40).
Ang PSA Milo Junior Athlete of the Year na sina Kyla Soguilon, Martin Jacob Pupos, Stephen Guzman, Nigel Timothy Romey at Lee Grant Cabral ay nagwagi rin para sa produktibong kampanya ng bansa.
Tinawid ni Soguilon ang finish line sa girls’ 10-11 50m backstroke sa tiyempong 35.49; si Pupos ay nanalo sa boys 16-17 200m freestyle (2:04.52); si Guzman ay naghari sa boys’ 10-11 50m backstroke (37-62); si Romey ang kumuha ng ginto sa sa boys’ 12-13 50m backstroke (33.74); at si Cabral ang nanguna sa boys’ 8-9 100m butterfly (1:33.53).
“We are amazed and proud at the superior performance of our swimmers especially Zamora who proved that he has a bright future in this sport,” wika ni PSL Secretary General Maria Susan Benasa.
Sina Mojdeh (200m freestyle), Esmero (100m butterfly) at Guzman (100m butterfly) ay nanalo rin ng pilak kasama sina Marc Bryan Dula (boys 8-9- 200m freestyle, 50m backstroke at 100m butterfly), Gianna Millen Data (girls’ 16-17 200m freestyle), Jason Mirabueno (boys’ 16-17 50m backstroke at Aubrey Tom (girls’ 8-9 100m butterfly).
Ang mga tansong medalya ay galing kina Tom (50m backstroke), Ferdinand Ian Trinidad (boys’ 14-15 200m freestyle), Mark Daniel Marajucom (boys’ 50m backstroke), Karl Kervee Pastoril (boys’ 10-11 100m butterfly) at Pia Isabella Loy (girls’ 12-13 100m butterfly).
- Latest