PSL Beach Volley: Tiwala sa isa’t isa susi nina Brillo at Gutierrez sa playoff
MANILA, Philippines – Malaki ang paniniwala nina Jusabelle Brillo at Jem Gutierrez ng Meralco na malayo pa ang kanilang mararating kung ang pagsali sa PLDT Home Ultera-Philippine SuperLiga (PSL) Beach Volleyball 2015 na handog ng Smart Live More ang pag-uusapan.
Sina Brillo at Gutierrez ay umabante sa knockout quarterfinals ngayong Sabado sa Sands By The Bay sa Mall of Asia sa Pasay City matapos pumangalawa sa Pool C sa 1-1 karta.
Nanalo sina Brillo at Gutierrez kina Cindy Benitez at Florence May Madulid ng Benguet Electric Cooperative (Beneco) bago natalo kina Fiola Ceballos at Patty Orendain ng Foton Tornadoes sa maulang labanan upang manguna ang Foton sa 2-0 karta.
Hindi naman inakala na aabot ang dalawa sa playoffs dahil hindi sila ang orihinal na magka-partner.
“Hindi tulad ng ibang teams na matagal nang magkasama sa laro, kami ay baguhan sa isa’t-isa,” wika ni Gutierrez.
Pero naisantabi ang kawalan ng karanasan at height ng dalawa dahil sa pagtitiwala sa isa’t isa.
“Hindi naman puro height, experience at skills ang beach volleyball.
Ang mahalaga rito ay may tiwala kayo sa isa’t-isa para gumanda ang tambalan n’yo sa court,” pahayag pa ni Brillo na beterana ng Asian Beach Games sa Bali, Indonesia at Phuket, Thailand.
Sunod nilang kakaharapin ay ang mabigat na Cignal HD Spikers B na binubuo nina Wensh Tiu at April Rose Hingpit.
Nakita ang bangis ng dalawang ito nang walisin ang dalawang laro sa Pool B upang ipalagay na palaban sa titulo sa ligang inorganisa ng SportsCore at may ayuda ng Accel, Maynilad at Sands By The Bay.
Pero hindi matitinag ang dibdib nina Brillo at Gutierrez at sasandal sa ipinagmamalaking pagtitiwala para umabante sa semifinals na paglalabanan sa Sabado ng gabi.
- Latest