Spikers’ Turf: Bulldogs sa quarters na
Laro sa Lunes (The Arena, San Juan City)
1 p.m. St. Benilde vs La Salle
3 p.m. NCBA vs EAC
5 p.m. UE vs Mapua
MANILA, Philippines – Inokopahan ng National University Bulldogs ang puwesto sa quarterfinals sa Group A nang talunin ang dating walang talo na NCBA Wildcats, 25-16, 25-14, 25-23, sa Spikers’ Turf Collegiate Conference kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Sina Francis Saura, Bryan Bagunas at Kim Malabunga ay gumawa ng 11, 10 at 10 puntos at sila ay kuminang sa iba’t-ibang aspeto sa laro para umakyat sa 3-0 ang NU at samahan sa susunod na round ang Emilio Aguinaldo College Generals.
May apat na blocks at tatlong aces si Saura, si Bagunas ay mayroong walong kills at si Malabunga ay gumawa ng anim na kills at 3 blocks para pagningningin ang panalo ng Bulldogs sa ligang inorganisa ng Sports Vision at handog ng PLDT Home Ultera.
Nakita ng Wildcats na natapos ang dalawang magagandang panalo para malagay sa pangatlong puwesto sa 2-1 baraha.
Wala ni isang manlalaro ng NCBA ang nasa double-digits at ininda nila ang tig-tatlong puntos lamang ng mga dating NU players na kanilang guest players na sina Reyson Fuentes at Edwin Tolentino.
Si Johnvic De Guzman ay naglista ng 20 puntos para sa St. Benilde Blazers na nakitaan din ng husay sa blocking para sa 25-17, 20-25, 25-18, 25-18, panalo sa Arellano Chiefs sa ikalawang laro.
Ang guest player na si Fracis Basilan ay mayroong limang blocks at si Ron Julian Jordan ay may apat para kunin ng Blazers ang 19-4 bentahe sa blocks upang maisantabi ang mahusay na pag-atake ng Chiefs sa kanilang 43 attack points.
Si Lawrence Del Espiritu ay gumawa ng 14 kills para sa Chiefs na natalo sa ikatlong sunod na laro. (AT)
- Latest