Asian Youth Tenpin Bowling Championships: Hernandez humakot ng medalya
MANILA, Philippines – Sinandalan ng Philippine junior bowlers ang husay ni Enzo Hernandez para magkaroon ng dalawang pilak at dalawang bronze medals sa 18th Asian Youth Tenpin Bowling Championships na ginawa sa Complexo Desportivo Internacional do Cotal Bowling Centre sa Macau, China.
Matapos angkinin ang pilak sa boys’ singles at bronze sa doubles katambal si Ivan Malig ay kuminang pa ang 18-anyos na si Hernandez sa All Events sa isa pang silver bago tinapos ang kampanya sa isa pang bronze sa Masters.
Nagkaroon ng kabuuang 4165 pinfalls si Hernandez sa All Events habang natalo siya kay Billy Islam ng Indonesia sa unang laro sa stepladder finals, 216-256, sa Masters.
Lumabas na second seed si Hernandez matapos ang 16-game series sa naitalang 3832 total pero nanlamig siya sa laro laban kay Islam para makontento sa bronze medals.
Nakasama sa boys’ team sina Mitch Espinosa at Merwin Tan habang ang girls’ team ay binalikat nina Bea Hernandez, Jasha Jakon, Angela Lazo at Bea Santarin, ang Pilipinas ay tumapos ng ikalimang puwesto sa pangkalahatan sa 15 bansa na sumali.
Tulad ng dapat asahan, ang Malaysia ang lumabas bilang overall champion bitbit ang apat na ginto, tatlong pilak at isang bronze medals.
Si Muhd Rafiq Ismail ang siyang nanguna sa Malaysian team nang walisin ang apat na ginto na pinaglabanan sa kalalakihan.
Pumangalawa ang Korea (2-1-0) bago sumunod ang Singapore (1-1-4) at Indonesia (1-1-2).
- Latest