Painters, Bolts unahang itarak ang 1-0 lead
Laro Ngayon (Smart Araneta Coliseum)
7 p.m. Rain or Shine vs Meralco
MANILA, Philippines – Wala nang hawak na ‘twice-to-beat’ incentive ang Rain or Shine.
Kaya naman magiging pantay na ang pagsagupa nila sa Meralco sa kanilang best-of-five semifinals series para sa 2015 PBA Commissioner’s Cup.
“We are just an experienced team but not talented as Meralco,” pagkukumpara ni coach Yeng Guiao sa kanyang Elasto Painter at sa Bolts ni mentor Norman Black.
Kaagad sinibak ng Rain or Shine, humawak ng ‘twice-to-beat’ advantage sa quarterfinals ang No. 8 Barangay Ginebra mula sa kontrobersyal na 92-91 panalo noong Sabado.
Sinuspinde ni PBA Commissioner Chito Salud ang referee na nabigong tumawag ng 24-second shot clock violation sa Gin Kings bago natapikan ng bola ni Elasto Painter’s guard Jeff Chan si import Michael Dunigan sa huling 4.9 segundo.
Sinabi ni Salud na dapat ay tinawagan ng shot clock violation ang Ginebra na hindi nangyari at nagresulta sa fastbreak layup ni Chan para sa panalo ng Rain or Shine.
Kinailangan naman ng No. 5 Meralco na walisin ang No. 4 NLEX, 97-82 at 91-85 (overtime), sa kanilang quarterfinals showdown patungo sa semis.
Sa naturang panalo sa Game Two ay bumangon ang koponan ni Black mula sa 20-point deficit sa Road Warriors sa third period.
Sina Chan, import Wayne Chism, Paul Lee, Beau Belga, Gabe Norwood at center Raymond Almazan ang muling babandera para sa Elasto Painters.
- Latest