Kinuryente ang Road Warriors Bolts nangangamoy semis
Laro Ngayon
(Mall of Asia Arena)
3 p.m. Talk ‘N Text
vs Barako Bull
5:15 p.m. Rain or Shine
vs Ginebra
MANILA, Philippines - Winakasan ng Meralco ang kanilang tatlong sunod na kamalasan para palakasin ang tsansa sa semifinal round ng 2015 PBA Commissioner’s Cup.
Tinambakan ng Bolts ang dating mainit na NLEX Road Warriors, 97-82, sa Game One ng kanilang best-of-three quarterfinals series kagabi sa Smart Araneta Coliseum.
Nauna nang tinalo ng NLEX, nalasap ang kanilang ikalawang dikit na kabiguan matapos magposte ng five-game winning streak, ang Meralco, 89-76, sa eliminasyon.
Ang mananalo sa pagitan ng Bolts at Road Warriors ang sasagupa sa mananaig sa banggaan ng No. 1 Rain or Shine Elasto Painters at No. 8 Ginebra Gin Kings para sa semifinals series.
Kasalukuyan pang naglalaro ang No. 3 Purefoods at ang No. 6 Alaska habang isinusulat ito kung saan ang magtatagumpay ang haharap sa mananalo sa laro ng No. 2 Talk ‘N Text at No. 7 Barako Bull sa semis,
“Tonight we did a good job sharing the basketball. It makes life easy that we made our outside shots,” sabi ni coach Norman Black sa kanyang Bolts na nakahugot ng limang three-point shots kay Mark Macapagal para sa 22 points nito.
Kinuha ng Meralco ang 20-point lead, 66-46, mula sa ikaapat na tres ni Macapagal sa 2:45 ng third period bago nakalapit ang NLEX sa pagtatapos nito, 61-69, buhat sa 15-3 atake.
Sa likod nina Macapagal at import Josh Davis ay muling nakalayo ang Bolts at nagtayo ng 23-point advantage, 93-70, sa huling 3:14 ng final canto.
Samantala, lalabanan ng Rain or Shine ang Ginebra ngayong alas-5:15 ng hapon matapos ang bakbakan ng Talk ‘N Text at Barako Bull sa alas-3 sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Bitbit ang ‘twice-to-beat’ advantage, isang panalo lamang ang kailangan ng Elasto Painters at Tropang Texters para umabante sa semifinals.
Meralco 97 - Macapagal 22, Davis 16, Anthony 14, David 13, Cortez 10, Hugnatan 10, Hodge 7, Reyes 2, Ildefonso 2, Wilson 1, Caram 0, Dillinger 0, Ferriols 0.
NLEX 82 - Thornton 23, Cardona 17, Villanueva J. 13, Canaleta 8, Villanueva E. 6, Taulava 5, Ramos 4, Raymundo 2, Lingganay 2, Baloria 2, Borboran 0, Apinan 0, Arboleda H. 0.
Quarterscores: 34-19; 47-36; 69-61; 97-82.
- Latest