Howard, Harden nagtulong sa panalo ng Rockets vs Pelicans
NEW ORLEANS-- Hinablot ni Dwight Howard ang isang no-look pass mula kay James Harden sa baseline at isinalpak ang one-handed stuff.
Ang nasabing first-quarter highlight ay isa nang pangitain ng matinding paglalaro ng Houston Rockets para sa playoffs.
Binura ang 17-point deficit laban sa New Orleans Pelicans, kinuha ng Rockets ang 95-93 panalo tampok ang 25 points at 10 assists ni Harden.
Nagbalik naman sa aksyon si Howard at nagtala ng 4 points, 7 rebounds at 1 block.
Pinaglaro si Howard, naupo sa 26 laro ng Houston bunga ng kanyang right knee injury, sa loob ng 17 minuto ni coach Kevin McHale.
Sa Memphis, giniba ng Cleveland Cavaliers ang Grizzlies, 111-89 mula sa game-high 24 points ni Kyrie Irving.
Umiskor naman si George Hill ng isang layup sa huling 2.7 segundo para ihatid ang Indiana Pacers sa 103-101 panalo sa Washington Wizards.
Tinalo ng Chicago Bulls ang Toronto, 116-103, sa kanilang karera ng Raptors para sa third-best record sa Eastern Conference.
Tumipa si Paul Millsap ng 25 points at 11 rebounds at bumangon ang Atlanta Hawks mula sa seven-point deficit sa fourth quarter para resbakan ang Orlando Magic, 95-83.
- Latest