Elite nagpayanig pa kinuryente ang Bolts
MANILA, Philippines – Ibinilang ng sibak nang Blackwater ang quarterfinalist na Meralco sa kanilang mga naging biktima.
Tinapos ng Elite ang kanilang dalawang sunod na kamalasan matapos gibain ang Bolts, 84-72, sa huli nilang laro sa 2015 PBA Commissioner’s Cup kagabi sa Smart Araneta Coliseum.
Ito ang ikatlong panalo ng Blackwater sa torneo matapos talunin ang mga talsik nang Kia at San Miguel.
“We wanted to end the second conference on a high note,” sabi ni coach Leo Isaac para sa kanilang paghahanda sa darating na PBA Governors’ Cup. “We’ll plunge back to practice on April 6 with a new level of confidence going into the third conference.”
Ito naman ang pangatlong dikit na pagkatalo ng Meralco.
Mula sa 50-40 abante sa first half ay itinala ng Elite ang 22-point lead, 70-48, sa 10:29 minuto ng fourth quarter at hindi na hinayaang makadikit ang Bolts.
Tumapos si naturalized center Marcus Douthit na may 27 points kasunod ang 21 ni rookie center JP Erram at 13 ng bagong hugot na si Reil Cerventes.
Samantala, tuluyan namang makukumpleto ang eight-team quarterfinals cast kung mananalo ang Barangay Ginebra laban sa Alaska sa ikalawang laro kagabi.
Sa panalo ng Gin Kings sa Aces ay awtomatikong papasok sa quarterfinals ang Globalport Batang Pier na may mas mataas na quotient.
Ang Rain or Shine at Talk ‘N Text ang nabigyan ng ‘twice-to-beat’ incentive dahil sa pagtatapos sa eliminasyon bilang No. 1 at No. 2 teams, ayon sa pagkakasunod, at makakatapat ang No. 8 Globalport at No. 7 Barako Bull.
Magsasagupa sa magkahiwalay na best-of-three series ang No. 3 Purefoods laban sa No. 6 Ginebra at ang No. 4 NLEX kontra sa No. 5 Meralco.
Blackwater 84 - Douthit 27, Erram 21, Cervantes 13, Heruela 7, Acuna 6, Bulawan 5, Gamalinda 3, Laure 2, Timberlake 0, Reyes 0, Golla 0.
Meralco 72 - Dillinger 15, Anthony 13, Cortez 13, Davis 11, Wilson 7, Ferriols 5, Caram 3, Reyes 2, David 2, Buenafe 1, Ildefonso 0, Sena 0, Hugnatan 0, Macapagal 0.
Quarterscores: 26-23; 50-40; 66-46; 84-72.
- Latest