Barako pinigil ang NLEX, nakasilip nang pag-asa
MANILA, Philippines – Winakasan ng Barako Bull ang kanilang apat na sunod na kamalasan para makasilip ng tsansa sa eight-team quarterfinals cast.
Matapos maisuko ang 13-point lead sa third period ay bumalikwas ang Energy mula sa six-point deficit sa huling anim na minuto ng fourth quarter para talunin ang NLEX Red Warriors, 91-85, sa 2015 PBA Commissioner’s Cup kagabi sa Smart Araneta Coliseum.
Pinigil ng Barako Bull ang five-game winning streak ng NLEX.
Ang susi sa kanilang panalo, ayon kay head coach Koy Banal, ay ang kanilang matibay na depensa sa huling anim na minuto ng final canto.
“We showed a lot of desire today. Everybody stepped up,” sabi ni Banal sa pagbabantay ni six-footer Energy guard Sol Mercado kay 6’7 import Al Thornton ng Road Warriors.
Isang turnover at mintis na three-point shot ni Thornton ang resulta ng depensa ni Mercado sa huling dalawang minuto ng laro para iwanan ng Barako Bull ang NLEX, 89-85, sa 1:28 minuto nito.
Ang dalawang tres ni guard Chico Lanete ang siyang nagbigay sa Energy ng nasabing four-point lead matapos kunin ng Road Warriors ang 85-79 abante sa 6:00 minuto ng laban.
Sinelyuhan ni Paolo Hubalde ang panalo ng Barako Bull mula sa kanyang jumper sa natitirang 46.9 segundo.
Tumapos si seven-foot import Solomon Alabi ng 29 points, habang may 13 si Lanete, 12 si Mercado at tig-10 sina JC Intal at Jake Pacual para sa Energy.
Samantala, dinala naman ng sibak nang Blackwater si scoring guard Alex Nuyles sa Kia para makuha si center Reil Cervantes mula sa isang trade.
Kasalukuyan pang naglalaban ang San Miguel at Globalport habang sinusulat ito.
Barako Bull 91 – Alabi 29, Lanete 13, Mercado 12, Intal 10, Pascual 10, Garcia 7, Hubalde 6, Lastimosa 2, Marcelo 2, Matias 0, Salvador 0, Salva 0.
NLEX 85 – Thornton 24, Cardona 15, Ramos 9, Taulava 9, Canaleta 8, Lingganay 7, Villanueva J. 5, Villanueva E. 4, Borboran 2, Baloria 2, Camson 0, Arboleda H. 0., Arboleda W. 0.
Quarterscores: 26-23; 51-49; 72-75; 91-85.
- Latest