Heat tinambakan ng Thunder
OKLAHOMA CITY— Ang pinakamagandang bahagi ng laro ni Russell Westbrook ay maaaring ang depensa niya kay Dwyane Wade.
Humakot si Westbrook ng 12 points, 10 rebounds at 17 assists para sa kanyang ikalawang sunod na triple-double at igiya ang Oklahoma City Thunder sa 93-75 panalo kontra sa Miami Heat.
Nagtala si Westbrook ng anim na turnovers sa kanyang ika-10 triple-double sa season, ngunit may 4 steals at 2 blocked.
Ang 17 assists ang dumuplika sa career high para sa All-Star guard, ang leading contender para sa NBA MVP award.
Nadepensahan din ni Westbrook si Wade na tumapos na may 12 points mula sa 6-for-15 shooting sa panig ng Heat.
Kumamada si Enes Kanter ng 27 points at 12 rebounds para sa ikatlong sunod na panalo ng Oklahoma City.
Nagdagdag si rookie Mitch McGary ng 14 points, at may 12 si Anthony Morrow.
Hindi inaasahang maglalaro si Kanter sa ikalawang sunod na laro dahil sa kanyang ankle injury.
Ngunit pinayagan siya matapos ang kanilang morning shootaround.
Kaagad na umiskor si Kanter ng 15 points sa first quarter.
Sa iba pang results, inilampaso ng Cleveland ang Milwaukee, 108-90; dinaig ng San Antonio ang Atlanta, 114-95; pinatumba ng Toronto ang New York, 106-89; giniba ng Sacramento ang Washington, 109-86; tinalo ng Detroit ang Boston, 105-97; iginupo ng Denver ang Orlando, 119-100; pinabagsak ng Charlotte ang Minnesota, 109-98; inungusan ng Phoenix ang Dallas, 98-92; dinomina ng Los Angeles Lakers ang Philadelphia 76ers, 101-87; at ginulat ng Los Angeles Clippers ang New Orleans Pelicans, 107-100.
- Latest