Isiderio naisuko na ang titulo
MANILA, Philippines – Nadiskaril ang hangarin ni Ryan Isiderio ng Boracay na maidepensa ang titulo sa formula races sa bancathon sa 2015 Manila Bay Summer Seasports Festival nang minalas ito sa unang karera kahapon sa Baywalk sa Roxas Boulevard.
Angat na ang banca na pinangalanang Islander sa katunggali na Malou na dala nI Ronald Pajullo ngunit biglang namatay ang makina nito sa kalagitnaan ng karera.
Noong 2014, ipinarada ni Isiderio ang banca na pinangalanan na Matador at ito ang nanuwag tungo sa titulo sa nasabing kategorya.
May 32 banca ang sumali sa palarong inorganisa ng Manila Broadcasting Company at Siyudad ng Manila at sumalang sa single-round elimination, hindi rin pinalad ang Malou sa sumunod na karera dahil tinalo siya ng Habagat sa pagmaniobra ni Stephen Repaso ng Hagonoy, Bulacan.
Lumalabas na ang Habagat ay palaban sa titulo dahil ang kanyang 4:29 tiyempo sa ikalawang karera ay mas matulin sa nailistang 5:09 nang tinalo ang Ken sa unang round.
Ang oras ng Habagat ang pinakamatulin sa second round at natapatan ito ng Speed Cross na sakay ni Gilbert Estacio ng Agoo, La Union makaraang pinagpahinga ang Adidas ni Jose Serano ng Batangas.
Ang iba pang palaban sa titulo ay ang Unica Hijo ni Val Sta. Ana, Terminator ni Ricky Burgos, Best Friend ni Romy Torilla, Alcoholic ni Bill Cabello, Lourd Cedric II ni Jovan Abong at Hydrolift ni Marlon Morada.
- Latest